NATATANGING

GINTONG KABATAAN


BB. ANGELICA "ANGEL LOCSIN" COLMENARES

Bayan ng Santa Maria

Si Angel Locsin ang isa sa mga pinakasikat na babaeng artista, commercial model, film producer at fashion designer sa kasalukyan. Siya ay unang pumirma ng kontrata sa GMA 7 hanggang sa mga unang buwan ng taong 2007. Nakilala siya sa nasabing network bilang Alwina taong 2004 sa seryeng Mulawin kasama si Richard Gutierrez, bilang Darna sa TV adaptation ng komiks na gawa ni Mars Ravelo at Sabina sa seryeng Majika. Agosto 2007 noong siya ay lumipat sa Kapamilya Network-ABS-CBN kung saan siya ay nagbida sa mga serye na Lobo, Only You, Imortal at The Legal Wife.

Hindi na rin mabilang ang mga pelikulang kanyang ginawa ngunit siya ay hinangaan sa mga pelikulang In the Name of Love at One More Try na nagbigay sa kanya ng Star Award for Movies for Movie Actress of the Year at Box-Office Entertainment Award for Film Actress of the Year sa dalawang magkasunod na taon. Taong 2013 naman siya nagwagi ng FAMAS Award at Film Academy of the Philippines Award for Best Actress para sa pelikulang One More Try. Taong 2016, siya ay ginawaran ng Lifetime Achievement Award mula sa Star Cinema at Aktres ng Dekada Award mula sa Inding-Indie Awards.

Si Bb. Locsin ay ipinanganak noong Abril 23, 1985 sa Bayan ng Santa Maria. Siya ay nag-aral ng elementarya sa St. James College sa Lungsod ng Quezon at sekondarya sa University of Santo Tomas High School sa Lungsod ng Maynila. Taong 2007, siya ay kumuha ng short-course for fashion design sa Central Saint Martin's College of Art and Design sa London.