GINTONG KABATAANG

BAYANI

(POSTHUMOUS)

ARNIE D. REYES

Lungsod ng Malolos, Bulacan

Hindi madali ang lumaki sa isang broken family. Ito ang buhay na naranasan ng isang 21 taong gulang na fitness trainer na si Arnie Reyes. Pang-apat sa anim na magkakapatid, lumaki siyang independent dahil bata pa lamang siya nang napilitang mag-ibang bansa ang kanyang ina para tugunan ang kanilang pangangailangan. Makulit ngunit mabait na bata si Arnie. Madalas i-encourage ang kanyang mga kaibigan at katrabaho. At dahil sa mga karanasan niya sa buhay ay lumaki itong masipag at punung-puno ng pangarap. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ang kanyang mga pangarap ay kasama niyang nawala nang mangyari ang isang aksidente sa pampublikong beach sa San Narciso, Zambales, noong Agosto 25, 2019. Kasama ng kanyang mga katrabaho, sa araw na iyon ay naisipan nilang mamahinga at magsaya. Sa gitna ng kanilang kasiyahan ay naganap ang isang malungkot na pangyayari. Nalunod ang kanyang dalawang kasama. Ngunit si Arnie, sa halip na mag panic at matakot, buong tapang niyang sinuong ang ragasa ng tubig upang sagipin ang kanyang mga kaibigan. Ngunit sa kasamaang palad, siya ay nilamon ng malakas na alon at tuluyang nalunod upang masagip ang dalawa niyang kasama.
Gayunpaman para sa kanyang mga kaibigan at sa lahat ng nakasaksi, isa siyang tunay na bayani. Ang ginawa niyang pagsagip sa buhay ng iba kapalit ng kanyang kaligtasan ay isang tanda ng kabayanihan. Hindi matatawaran ang kanyang katapangan na itaya ang buhay alang-alang sa kapakanan ng iba.